Community transmission ng Delta variant ng COVID-19 sa Pilipinas, kinumpirma ng WHO
Kinumpirma ng World Health Organization na nakakaranas na ng community transmission ng Delta variant ng COVID-19 ang Pilipinas.
Ayon kay Dr. Rabindra Abeyasinghe, kinatawan ng WHO dito sa Pilipinas, mahigit 70% ng kasalukuyang virus transmission sa Pilipinas ay dahil sa Delta Variant.
Pero hindi naman aniya ito nakakagulat dahil maging sa ibang bansa na mayroon naring Delta variant ay ganito rin ang nangyayari.
Ayon kay Health Usec Ma Rosario Vergeire, mula sa 6% Delta variant na nakikita sa mga sine-sequence na sample sa Philippine Genome Center, ngayong Agosto ay tumaas na ito sa 56%.
Pito sa 10 aniyang isinasailalim sa pagsusuri ay may Delta variant.
Sa ngayon, lahat na aniya ng rehiyon sa bansa maliban sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Midanao ay mayroong Delta variant.
Sa datos ng Department of Health, may 79 lugar na ang kabilang sa Alert level 4.
Sa mga lugar na ito, 66 ang may naitala ng kaso ng Delta variant.
Madz Moratillo