‘Complicated” ni Avril Lavigne, ginawan ng bersiyon ng Filipino-American singer na si Olivia Rodrigo
Mula sa pagkapanalo ng tatlong Grammy awards kamakailan, nasa kaniya namang “SOUR” concert tour ngayon ang Filipino-American musician na si Olivia Rodrigo. Ito ang kauna-unahan niyang album tour.
Sinimulan ni Oliivia ang tour sa Portland, Oregon kung saan inawit niya ang karamihan ng mga kanta mula sa kaniyang debut album na “SOUR,” na nanalo ng Grammy para sa Best Pop Vocal Album.
Maikli lamang ang album na binubuo ng 11 mga kanta, wala pang 35 minuto sa kabuuan kaya’t inabangan ng mga fans kung ano pang ibang mga awitin ang idaragdag niya sa kaniyang setlist.
Nakamit din ng bagong Grammy Best New Artist winner ang pangarap ng bawat pop-punk singer, na awitin ang “Complicated,” na hit song ni Avril Lavigne.
Kinilala ni Oliivia ang impluwensiya ni Avril sa kaniyang album at mga awitin, at tinawag itong “the pop-punk princess herself” bago niya inawit ang popular na kanta. Kamakailan, si Olivia at Avril ay nagkaroon ng moment sa 64th Grammy Awards.
Bukod sa “Complicated,” inawit din niya ang “Seether” ng bandang Veruca Salt at pinasalamatan ang kaniyang ina sa pag-introduce sa kaniya sa banda.
Nagwagi rin si Olivia ng Best Pop Solo Performance para sa kaniyang debut single na “drivers license.”
Ang “SOUR” tour ay matatapos sa North American leg nito sa San Francisco sa May 27, bago itutuloy sa Europe simula sa June 11 sa Hamburg, Germany na matatapos naman sa apat na gabi sa England.