Compulsory vaccination ipinatupad na sa Austria
Opisyal nang ipatutupad ngayong Sabado ang compulsory Covid-19 vaccination para sa mga taga Austria na edad higit 18 taong gulang, o kung hindi ay maharap sa posibleng pagbabayad ng malaking multa.
Ang bagong panukalang pinagtibay ng parliyamento noong Enero 20, ay nilagdaan para maging batas ni Austrian President Alexander Van der Bellen nitong Biyernes, ito ang kinahantungan ng isang proseso na nagsimula noong Nobyembre sa harap ng mabilis na pagkalat ng Omicron variant.
Nagpasya ang gobyerno na ipatupad ang bago nitong mas mahigpit na diskarte, sa kabila ng mga kritisismo sa loob mismo ng bansa.
Ayon kay Manuel Krautgartner na nangampanya laban sa bagong diskarte . . . “No other country in Europe is following us on compulsory vaccines.”
Sa Germany na katabing bansa ng Austria, isang katulad na batas na ipinanukala ng bagong Social Democrat Chancellor na si Olaf Scholz, ang pinagdebatehan noong nakaraang buwan sa Bundestag o lower house ng parliyamento, subali’t walang naging progreso dahil sa pagkakahati-hati ng political class.
Sa kabila ng banta ng mahigpit na batas, hindi pa rin tumataas ang vaccination rate sa Austria na lubhang mababa kaysa lebel ng France o Spain.
Wika ni Stefanie Kurzweil ng humanitarian association na Arbeiter Samariter Bund na nangangasiwa sa isa sa mga sites . . . “We are far from reaching maximum capacity, things are completely stagnating.”
Ang mga Austrian na hindi pa bakunado ay kasalukuyang binabawalang magtungo sa mga restaurant, sport at cultural venues.
Ang batas ay aplikable sa lahat ng adult residents maliban sa mga buntis, sa mga may medical exemption at mga nahawaan ng virus sa nakalipas na 180 araw.
Ang pagtsi-check naman ay sisimulan sa kalagitnaan ng Marso, at ang ipapataw na multa ay mula 600-3,600 euros o $690-$4,100.
Gayunman, babaawiin ang multa kapag ang taong pinatawan nito ay nakapagpabakuna sa loob ng 2 linggo.
Higit 60% ng Austrians ang sumusuporta sa bagong batas, ayon sa ginawang survey kamakailan nguni’t malaking bilang pa rin ng populasyon ang mahigpit na tumututol dito.