Computer equipments , natanggap ng NBI mula sa German police
Nagkaloob ang gobyerno ng Germany sa Pilipinas ng mga computer at office equipment na gagamitin sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga kaso ng Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC).
Ito na ang ikalawang batch ng donasyon ng Germany sa NBI matapos ang mga equipment na ibinigay noong Setyembre ng nakaraang taon.
Ayon kay NBI Director Medardo De Lemos, gagamitin ng Anti- Human Trafficking Division ng kawanihan ang mga donasyon mula sa German Federal Police Liaison Office.
Kinabibilangan ang mga ito ng 10 units ng laptop, dalawang set ng PC desktop, mga printer, mga scanner, mga IT software and hardware, at iba pang equipment.
Lumagda sa deed of donation si De Lemos at si German Ambassador to the Philippines Andreas Michael Pfaffernoschke.
Aminado si De Lemos na malaki ang problema ng Pilipinas sa online sexual exploitation ng mga bata at marami ang hawak ng NBI ng mga nasabing kaso.
Tiwala ang German diplomat na sa pamamagitan ng kanilang donasyon ay mapapalakas ang laban ng Pilipinas at ang kooperasyon ng dalawang bansa kontra sa online sexual exploitation.
Kinakailangan aniya nang madaliang pagkilos ng mga otoridad dahil ang OSAEC ay crime against humanity.
Moira Encina