Concert film ni Taylor Swift bumasag ng records, kumita ng $96 million sa opening weekend
Pagkatapos ng kaniyang sold-out stadium tour, napuno ng nagtitiliang fans ng pop superstar na si Taylor Swift ang mga sinehan, at bumasag ng records ang kaniyang concert film na kumita ng $96 million sa opening weekend nito sa North America.
Ayon sa analyst na si David Gross ng Franchise Entertainment Research, “This is a sensational domestic opening. While ticket sales for ‘Taylor Swift: The Eras Tour — which features scenes from three concerts — were below some estimates for the Friday-through-Sunday period, they were still ‘giant numbers’ that dwarfed other concert films.”
Aniya, ang pinakamalaking domestic concert films ay ang “Justin Bieber: Never Say Never,” noong 2011 na ang kabuuang kinita ay $73 million, at ang “This Is It” ni Michael Jackson na kumita ng $72.1 million.
Ngunit sa loob lang ng tatlong araw ay nalampasan ito ng concert film ni Swift, kaya’t ito ang naging “biggest box office” weekend.
Ang pelikula, na ginawa sa hindi pangkaraniwang bilis, ay inilabas na may ilang mga espesyal na Swiftian touch. Ang AMC Theaters, na siyang distributor nito, ay sumira ng ‘standard practice’ makaraang himukin ang mga nanood ng pelikula na sumayaw, kumanta, maglabas ng cellphone, at kumilos na para silang aktuwal na nasa isang concert, na tinawag naman ng isang kritiko na isang “delirious, dizzying celebration of Swift-mania.”
US singer Taylor Swift (C) alongside dancers and band arrive for the “Taylor Swift: The Eras Tour” concert movie world premiere at AMC The Grove in Los Angeles, California on October 11, 2023. (Photo by VALERIE MACON / AFP)
Malayong-malayo naman sa ikalawang puwesto ang nakatatakot na sequel ng “Exorcist: Believer” ng Blumhouse at Universal, na kumita ng tinatayang $11 million. Pinagbibidahan ito ni Leslie Odom, Jr., at Ann Dowd. Limampung taon ang agwat nito sa orihinal na pelikulang ipinalabas noong 1973.
Nasa ikatlong puwesto ang family-friendly animation ng Paramount na “Paw Patrol: The Mighty Movie,” na kumita ng $7 million. Tampok dito ang tinig nina Taraji P. Henson, Chris Rock, Serena Williams at McKenna Grace.
Pasok sa fourth place ang blood-soaked “Saw X” ng Lionsgate, na ang kinita ay $5.7 million. Ito ang pinakabago sa “Saw” series, na pinagbibidahan ni Tobin Bell. Ang pelikula ay nakatanggap na ng positive reviews.
Pang-lima ngayong weekend ang sci-film ng 20th Century na “The Creator,” na kumita ng $4.3 million. Tampok dito sina John David Washington, Gemma Chan, Ken Watanabe at Allison Janney. Ang pelikula ay napapanahon dahil tungkol ito sa pakikipaglaban ng mga tao sa artificial intelligence (AI).
Narito naman ang mga pelikulang bubuo sa top 10:
No. 6 – “A Haunting in Venice” ($2.1 million)
No. 7 – “The Blind” ($2 million)
No. 8 – “The Nun II” ($1.6 million)
No. 9 – “The Equalizer 3” ($960,000)
No. 10 – “Dumb Money” ($920,000)