“Concerted efforts” ng isang grupo, tinitingnan ng mga otoridad kaugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero
Nakipag-dayalogo noong Biyernes ng umaga kay Justice Secretary Crispin Remulla ang ilan sa mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero.
Kasama na humarap sa pamilya ang mga opisyal ng PNP-CIDG at NBI.
Tiniyak ni Remulla sa pamilya ng mga biktima na gagawa siya ng paraan para mapabilis ang resolusyon sa mga inihaing reklamo sa DOJ kaugnay sa nasabing kaso ng missing sabungero.
Gayunman, hindi maipangako ng kalihim sa mga kamag-anak na magkakaroon na ng resolusyon sa kaso ngayong Disyembre.
Sinabi ni Remulla na magiging regular na ang mga dayalogo nila sa mga pamilya.
Sa Enero aniya ay muling haharap siya sa mga kamag-anak ng mga sabungero.
Ayon sa kalihim, umaabot sa walong “clustered cases” ang iniimbestigahan kaugnay sa mga sabungero.
Aniya, apat sa mga ito ang naihain na sa DOJ habang ang iba pa ay patuloy na pinafollow-up ng mga otoridad.
Inihayag pa ni Remulla na batay sa mga impormasyon ay tila ay may “concerted efforts” ang isang grupo kaugnay sa missing sabungero case.
Gayunman, tumanggi ang kalihim na sabihin kung may nakikitang mastermind na ang mga imbestigador.
Umaasa naman ang mga pamilya ng missing sabungero na bago matapos ang taon ay may makasuhan na sa korte ang DOJ.
Inamin nila na kahit papaano ay nabuhayan sila ng loob na mabibigyan sila ng hustisya matapos kausapin ang mga opisyal ng DOJ.
Moira Encina