Cong. Arnie Teves, isa sa mga ikinukonsiderang mastermind sa Degamo killing–Remulla
Kinumpirma ni Justice Secretary Crispin Remulla na isa si Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr. sa ikinu-konsidera na utak sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ayon kay Remulla, hindi bababa sa dalawa hanggang tatlo ang mastermind sa krimen at isa sa mga ito si Teves.
Nang tanungin ng media ang kalihim kung may contact ang pamahalaan sa mga itinuturing na utak ng Degamo killing, sinabi ni Remulla na nag-text sa kaniya ang isa sa mga ito na si Congressman Teves.
Sabi ni Remulla, lilinawin pa niya sa panel of prosecutors na humahawak sa kaso ang impormasyon, ngunit sa direksyong ito tumutumbok ang imbestigasyon.
Una nang isinangkot ng ilang nahuling suspek si Teves.
Pero ito ay pinasinungalingan ni Teves na hindi pa rin bumabalik ng Pilipinas kahit nagtapos na ang travel authority mula sa Kamara bunsod umano ng banta sa buhay nito.
Inihayag pa ni Remulla na may dalawang assassination attempts kay Degamo sa mga nakaraan.
Aniya, matagal nang nagrereklamo dati ang gobernador pero dahil sa politiko ito ay hindi naman ito masyado binigyang- pansin.
Moira Encina