Cong. Arnie Teves isa sa mga iniimbestigahan kaugnay sa Degamo murder at iba pang kaso ng pagpatay– Remulla
Kinumpirma ni Justice Secretary Crispin Remullla na isa si Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa iniimbestigahan ng mga otoridad kaugnay sa mga kaso ng pagpatay sa Negros Oriental kabilang na ang pagpaslang kay Governor Roel Degamo.
Nang tanungin ng media si Remulla kung isa si Teves sa mga iniimbestigahan sa Degamo murder at mga nagaganap sa lalawigan ay sinabi ng kalihim na lahat ng maaaring sangkot ay kasama at walang silang ini-exempt.
Ayon kay Remulla, sa pagpunta nila kahapon sa burol ni Degamo ay may mga nakausap sila na nagbanggit ng mga pangalan ng mga posibleng mastermind.
May mga rebelasyon din aniya ang mga nakausap nila na tao ukol sa mga matagal nang pangyayari sa Negros Oriental.
Sinabi pa ng kalihim na ipapatawag ng NBI ang mga nasabing pangalan.
Una nang sinampahan ng multiple murder complaint sa DOJ noong Martes si Teves kaugnay sa pagpatay sa isang provincial board member at ilan pang katao noong 2019.
Wala pang pahayag ang kampo ni Teves na nasa ibang bansa sa kaso na inihain laban sa kaniya.
Moira Encina