Cong Teves nag-a-apply ng citizenship sa Cambodia – DOJ
Bukod sa political asylum sa Timor- Leste ay nag-A-apply din umano ng citizenship sa Cambodia si suspended Congressman Arnolfo Teves Jr.
Ito ay batay sa impormasyon na natanggap ni Justice Secretary Crispin Remulla.
Pero sinabi ng kalihim na wala silang karagdagang detalye ukol sa proseso o kung iri-renounce ni Teves ang kaniyang Filipino citizenship.
Una nang inihayag ni Remulla na nasa Timor- Leste pa rin si Teves kung saan idinulog na nito sa Korte Suprema doon ang kaniyang hirit na asylum.
Aniya, mula sa Singapore ay sumakay ng pribadong eroplano si Teves papunta sa Timor- Leste kasama ang 13 katao.
Kinastigo rin ni Remulla ang pagdaing ni Teves ng umano’y panggigipit pero sobra kung magwaldas ng salapi.
Naniniwala si Remulla na ang pera ni Teves ay galing sa illegal online gambling operations nito.
Moira Encina