Cong. Teves tinangkang protektahan ang E-sabong operations
Direktang isinangkot ng isang testigo sa operasyon ng e-sabong si suspended Negros Oriental Congressman Arnulfo Teves Jr.
Sa marathon hearing na isinagawa ng Senado sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo, humarap bilang testigo si Atty. Renan Augustus Oliva, ang regional director ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Cebu.
Sa testimonya ni Oliva, sinabi nito na isang sabungan ang ni-raid ng NBI sa Minglanilla, Cebu kung saan naaresto ang mga operator at empleyado na naaktuhang nagsasagawa ng livestream ng e-sabong.
Sinabi ni Olivia sa Senate Committee on Public Order na matapos ang raid, pinuntahan siya ni Teves at pinagbantaang kakasuhan ang NBI raiding team dahil nagnakaw umano ang mga ito ng P7-milyon.
Sinabi ng opisyal na ikinagulat niya nang sabihin ni Teves na hindi siya isasama sa kakasuhan kung matitiyak na wala ng susunod na operasyon sa e-sabong.
“I told him you cannot betray a law enforcement. Follow the rules, that is the order of the President and I told him if you want to file the case I will answer it,” pahayag pa ni Oliva.
Pero ang masakit aniya ay dinismiss ng korte ang kaso laban sa mga operator ng sabungan at ang mga taga-NBI ang kinasuhan sa Office of the Ombudsman dahil sa umanoy illegal raid.
Meanne Corvera