Consular office sa Kidapawan City, bubuksan sa Setyembre 6
Simula sa Setyembre 6 ay bukas na sa publiko ang consular office (CO) ng Department of Foreign of Affairs (DFA) sa Kidapawan City, North Cotabato.
Sa isang virtual ceremony ay lumagda sa kasunduan ang lokal na pamahalaan ng Kidapawan City at ang DFA para sa pagbabalik at paglipat ng consular office sa panibagong lokasyon sa Kidapawan City.
Sinabi ng DFA na dahil sa pagbabalik ng operasyon ng CO sa Kidapawan City ay mapapalapit ang consular services sa mga Pilipino sa Kidapawan at mga kalapit na lugar.
Matatagpuan ang CO sa Alim Street, Barangay Poblacion, Kidapawan City.
Ang oras ng operasyon nito ay mula ika-10 ng umaga hanggang ika-5 ng hapon sa araw ng Lunes hanggang Biyernes.
Magkakaloob ito ng ePassport at Assistance-to-Nationals (ATN) services.
Plano ng DFA na magbukas pa ng mas maraming consular offices sa Luzon, Visayas, at Mindanao para mapataas ang kalidad ng serbisyo nito.
Layon ng kagawaran ng mas maging efficient at mapadali ang delivery ng mga pasaporte at iba pang consular services sa publiko.
Moira Encina