Coronavirus, maaaring mabuhay ng 28 araw sa mobile phones ayon sa isang pag-aaral
Lumitaw sa isang pag-aaral na ginawa ng national science agency ng Australia, na ang coronavirus na sanhi ng Covid-19, ay maaaring mabuhay sa mga bagay na gaya ng pera at mobile phones ng hanggang 28 araw, sa madilim at medyo malamig na kapaligiran.
Sinubukan ng mga mananaliksik ng CSIRO disease preparedness centre, kung gaano kahaba ang itatagal ng SARS-CoV-2 sa dilim sa tatlong temperatura, kung saan lumitaw na habang umiinit ang kondisyon ay nababawasan ang survival rate nito.
Natuklasan ng mga siyentista, na sa 20 degrees Celsius (68 degrees Fahrenheit), napakatatag ng SARS-CoV-2 sa smooth surfaces – gaya ng mobile phone screens – tumatagal ito ng 28 araw sa glass o salamin, bakal at plastic banknotes.
Pagdating ng 30 degrees Celsius (86 degrees Fahrenheit), ang survival rate ay bumaba sa seven days, at bumagsak sa 24-oras na lamang sa 40 degrees Celsius (104 degrees Fahrenheit).
Sinabi ng mga mananaliksik, na mas maikli naman ang panahon ng survival ng virus sa porous surfaces gaya ng bulak, kung saan 14 na araw lamang ito nagtatagal sa pinakamababang temperatura, at wala pang 16-oras sa pinakamataas na temperatura.
Ayon sa nalathala sa Virology Journal, mas mahaba ito kaysa mga naunang pag-aaral kung saan natuklasang ang sakit ay makatatagal ng hanggang apat na araw sa non-porous surfaces.
Sinabi ni Trevor Drew, direktor ng Australian Centre for Disease Preparedness, na nakapaloob sa ginawang pag-aaral ang pagpapatuyo sa samples ng virus sa iba’t ibang materyales bago sinubukan, gamit ang isang lubhang sensitibong pamamaraan kung saan nakita na kaya pa rin kahit ng bakas ng “live virus” na makahawa sa selula.
Gayunman aniya, hindi ito nangangahulugan na kaya na itong makahawa sa isang tao.
Paliwanag ni Drew, kapag ang isang tao ay hindi nag-ingat sa mga nabanggit na materyales at hinawakan ito, pagkatapos ay dinilaan ang kanilang kamay o hinipo ang mata o ilong, ay pwede siyang mahawaan dalawang linggo matapos makontamina.
Ayon sa CSIRO, lumilitaw na ang virus ay pangunahing kumalat sa hangin, ngunit kailangan ng mas maraming pananaliksik upang makapagbigay ng karagdagang pananaw sa transmission ng virus sa pamamagitan ng surfaces.
Sinabi ni Debbie Eagles ng CSIRO, na habang ang tiyak na papel ng surface transmission, ang antas ng surface contact at ang dami ng kinakailangang virus para makahawa ay hindi pa matukoy, ang pagpapatunay kung gaano katagal mananatili ang virus sa surfaces ay kritikal, para sa pagbuo ng mga estratehiya upang mabawasan ang peligro sa high contact areas.
© Agence France-Presse