Country album ni Beyonce, nanguna sa Billboard chart
Nanguna sa Billboard 200 chart ang blockbuster country album ni Beyonce na “Cowboy Carter.” Ito na ang ika-walong album niya na nag-numero uno.
Siya rin ang naging unang Black woman na nanguna sa Top Country Albums chart ng Billboard, na may 27-track second act sa kanyang “Renaissance” trilogy.
Ang “Cowboy Carter,” na inilabas noong Marso 29, ay nag-debut na may 407,000 katumbas na unit ng album na nabili sa United States sa linggong nagtapos noong Abril 4, ayon sa Billboard at music industry data provider na Luminate.
Ayon sa Billboard, “It is the best debut of 2024 so far and also the biggest since Taylor Swift dropped ‘1989 (Taylor’s Version)’ in November 2023.”
Ang “Cowboy Carter” ay isang parangal sa southern heritage ni Beyonce at nagtatampok sa maraming music stars, mula sa country legends na sina Dolly Parton at Willie Nelson hanggang sa mga kasalukuyang hitmaker na sina Miley Cyrus at Post Malone.
Ang album, na pinuri ng mga kritiko, ay siya ring “most-streamed album in a single day in 2024 so far” sa Spotify.
Nagbigay ng teaser si Beyonce sa unang dalawang singles ng album, ang “Texas Hold ‘Em” at “16 Carriages,” sa Super Bowl noong Pebrero at inanunsiyo ang release date ng full album.
Una nang nanguna si Beyonce sa Billboard charts sa pamamagitan ng kaniyang “Dangerously in Love” (2003), “B’Day” (2006), “I Am… Sasha Fierce” (2008), “4” (2011), “Beyonce” (2013), “Lemonade” (2016) at “Renaissance” (2022).
Ayon sa Billboard, ang tangi lamang mga babae na may mas maraming number one kaysa kay Beyonce ay sina Swift, Barbra Streisand at Madonna.