Court hearings sa Cebu City courts, kanselado hanggang Dec. 23
Naglabas ang Office of the Court Administrator ng guidelines sa operasyon ng Cebu City Hall of Justice kung nasaan ang RTC at MTCC kasunod ng paghagupit ng Bagyong Odette.
Sa memorandum na inisyu ni Executive Judge Marlon Jay Moneva, sinabi na batay sa panuntunan mula sa OCA ay kanselado ang lahat ng court hearings sa Cebu City mula December 20 hanggang December 23.
Ipinauubaya naman sa mga hukom kung magsasagawa ng videoconferencing hearings sa mga urgent matters o incidents na nakaiskedyul sa mga nasabing petsa kung posible.
Nilinaw na hindi suspendido ang pasok sa mga nasabing korte para ma-check at ma-secure ng mga hukom at kawani ang mga court records at makapaglinis sa mga opisina at courthouses.
Patuloy din ang operasyon ng mga tanggapan ng clerks of courts ng RTC at MTCC para tumugon sa urgent matters gaya ng posting ng bail at pagtanggap ng mga bagong sampang kaso.
Suspendido naman ang raffle ng mga newly-filed cases habang hindi pa naibabalik ang suplay ng kuryente.
Half-day o hanggang alas dose ng tanghali lang ang pasok sa Cebu City courts.
Pero dapat magtalaga ng skeleton workforce ng hanggang alas tres ng hapon para tumanggap ng court pleadings.
Wala namang naiulat na nasugatan o pumanaw sa hanay ng mga court personnel at judges at kanilang pamilya sa nangyaring bagyo.
Moira Encina