Court of Appeals binaligtad ang ruling ng Makati RTC na buhayin ang kasong rebelyon laban kay dating Sen. Trillanes
Isinantabi ng Court of Appeals Sixth Division ang ruling Makati RTC na bumuhay sa kasong rebelyon laban kay dating Sen. Antonio Trillanes IV kasunod ng pagpapawalang-bisa sa amnestiya nito noong 2018.
Sa desisyon ng appellate court, sinabi na nakagawa ng grave abuse of discretion si Makati City RTC Branch 150 Presiding Judge 150 Elmo Alameda nang tumanggi ito na payagan si Trillanes na magprisinta ng testimonial evidence na naghain siya ng aplikasyon at pinagkalooban ng amnestiya noong 2011.
Ayon sa CA, nagsagawa lang ang Branch 150 ng summary hearing sa kaso sa pamamagitan ng pagpapasumite ng mga affidavit at dokumento.
Ito ay sa kabila ng paulit-ulit na hirit ng dating senador na bigyan ito ng makatwirang oportunidad na maiprisinta ang lahat ng kanyang ebidensya at maipatawag ang kanyang mga testigo.
Paliwanag pa ng CA, napagkaitan ng due process si Trillanes dahil sa pagtanggi ng judge sa mga hiling nito na makapagsumite ng mga ebidensya.
Sinabi pa sa ruling ng CA na nangangailangan ng full at evidentiary hearing ang kaso at ng malalimang pag-ungkat sa mga isyu.
Si Alameda ang parehong huwes na humawak at nagbasura sa kasong rebelyon ni Trillanes noong 2011 matapos na gawaran ng amnestiya ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Pero ipinawalang-bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiya ni Trillanes noong 2018 dahil sa hindi raw ito naghain ng aplikasyon at hindi inamin ang kanyang guilt sa pagkakasangkot sa Oakwood mutiny at Manila Peninsula siege.
Moira Encina