Court of Appeals ibinasura ang hiling ni Maria Ressa na makabiyahe ito sa US
Hindi pinagbigyan ng Court of Appeals ang mosyon ni Rappler CEO Maria Ressa na makabiyahe sa Amerika.
Sa pitong- pahinang resolusyon ng CA Special 14th Division, sinabi na walang basehan na paboran ang Very Urgent Motion for Permission to Travel Abroad ni Ressa dahil sa bigo itong mapatunayan na necessary at urgent ang byahe nito.
Ayon pa sa CA, bagamat ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang freedom of movement ay hindi ito absolute.
Sinabi sa resolusyon na may mga restriction sa batas partikular sa taong may kinakaharap na kasong kriminal kahit pa pansamantala itong nakalaya dahil sa piyansa.
Si Ressa ay una nang hinatulan ng guilty ng Manila Regional Trial Court sa kasong cyber libel.
Kinatigan ng appellate court ang pahayag ng Office of the Solicitor General na hindi naman kailangan pisikal na dumalo ni Ressa sa kanyang mga speaking engagements at sa pagtanggap ng mga awards sa US dahil pwede naman itong gawing virtually o sa pamamagitan ng videoconferencing at iba pang technological applications.
Sinabi pa ng OSG na may mga kasong tax evasion at pangalawang online libel complaint na kinakaharap si Ressa.
Sa kanyang mosyon, ipinangako ni Ressa na babalik siya sa September 18 mula sa Washington DC at dadating sa bansa sa September 19.
Nais dumalo ni Ressa sa theatrical release sa Amerika ng documentary na ‘A Thousand Cuts’ at sa paggawad sa kanya ng National Press Club ng 2020 International Press Freedom Award.
Ulat ni Moira Encina