Court of Appeals pinagtibay ang naunang desisyon na huwag payagan na maging State Witness ang tatlo sa mga akusado sa Maguindanao massacre case
Pinanindiganan ng Court of Appeals o CA ang desisyon nito na huwag payagan na maging state witness ang tatlo sa mga akusado sa Maguindanao massacre case.
Sa anim na pahinang resolusyon ng CA Former Special Thirteenth Division, ibinasura ang motion for reconsideration na inihain ng DOJ prosecutors na gawing state witness sina Police Inspector Rex Ariel Diongon, PO1 Rainier Ebus at Mohammad Sangki.
Ayon sa CA, walang bagong ipinirisintang batayan o dahilan sa mosyon para baligtarin ang ruling ng hukuman noong Mayo 2015.
Nakasaad sa resolusyon na ang mga argumento sa apela ay naikonsidera na nila sa naunang ruling.
Noong May 27, 2015, kinatigan ng CA ang desisyon ni Quezon City RTC Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes na ibasura ang mosyon ng DOJ.
Paliwanag ng CA kung talagang nais ng DOJ na gawing testigo ang tatlo ay dapat hindi na isinama ang mga ito sa kanilang inamyendahang listahan ng mga respondents.
Sinabi pa ng CA na nakasalalay sa hukom na may hawak sa kaso ang pagpapasya kung papayagan na maging state witness ang mga akusado.
Pinaboran din ng appellate court ang katwiran ni Judge Reyes na hindi na kailangan na maging state witness ng tatlo dahil pareho lamang ang testimonya ng mga ito sa mga testigo na sina Raul Sangki, Norodin Zailon Mauyag, Akmad Abubakar Esmael at Lakmodin Saliao.
Ulat ni Moira Encina