Court stenographer sa Tarlac, pinatalsik ng SC
Isang court stenographer sa Tarlac ang pinatalsik ng Korte Suprema dahil sa tig-anim na counts ng gross misconduct at gross insubordination.
Sa 18- pahinang desisyon ng Supreme Court En Banc, hinatulan nitong guilty si Lorna M. Martin, Court Stenographer 1 ng Municipal Circuit Trial Court ng Sta. Ignacia,Tarlac sa paglabag sa code of conduct for court personnel.
Bukod sa pagkakatalsik sa puwesto, binawi rin ng SC ang mga benepisyo at kinansela ang civil service eligibility ni Martin.
Pinatawan din ng SC si Martin ng perpetual disqualification sa re-employment sa alinmang posisyon sa pamahalaan.
Ang reklamo laban kay Martin ay inihain noong 2017 ni Judge Stela Marie Q. Gandia-Asuncion at ilang court employees ng MCTC – Sta. Ignacia, Tarlac dahil sa misconduct at kawalan ng galang at pagiging arogante sa pagganap ng kaniyang trabaho bilang court stenographer.
Ilan sa mga reklamo laban kay Martin ay ang pagmumura at pagsigaw nito kay Judge Asuncion nang itama ang draft orders nito.
Paulit-ulit din umano na hindi nito sinunod ang atas ng hukom kabilang na ang pagsusumite ng stenographic notes at recordings ng mga pagdinig.
Moira Encina