COVID-19 alert level na ipatutupad sa NCR at iba pang lugar sa bansa mula January 16-31 pag-uusapan pa sa pulong ng IATF – Malakanyang
Tatalakayin pa sa meeting ng Inter Agency Task Force o IATF kung anong alert level ang ipatutupad sa National Capital Region o NCR at iba pang lugar sa bansa kaugnay ng patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 dulot ng omicron variant.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles na pinag-aaralang mabuti ng IATF kung kinakailangang itaas sa alert level 4 ang Metro Manila at iba pang lugar sa bansa na kinakakitaan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Nograles mayroong criteria na sinusunod ang IATF sa pagtataas ng alert level sa isang lugar.
Inihayag ni Nograles kasama sa criteria ang 2 weeks positivity rate, average daily attack rate ng COVID-19 at hospital bed utilization.
Niliwanag ni Nograles bagamat nasa high risk category na ang buong bansa kasama ang NCR hindi pa naman naaabot ang 70 percent hospital bed utilization na itinituring na critical condition sa pagharap sa pandemya ng COVID-19 dulot ng omicron variant kaya hanggang ngayon ay nasa alert level 3 parin ang Metro Manila.
Tiniyak ni Nograles na bago sumapit ang January 16 ay maglalabas ng bagong alert level ang IATF na ipatutupad sa buong bansa.
Vic Somintac