COVID-19 allowance ng HCWs, inilabas na
Inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) sa pamamagitan ng Department of Health (DOH), ang P7.92 bilyong One Covid-19 Allowance (OCA).
Ang nabanggit na halaga ay laan para sa 526,727 eligible public at private healthcare workers (HCWs) at mga non-HCWs, na ang trabaho ay may kaugnayan sa COVID-19 response.
Sa naturang halaga, P4.50 bilyon dito ay para sa COVID-19 benefits ng nasa 100,313 DOH plantilla personnel sa mga pampublikong ospital, tanggapan at mga rehabilitation centers, kabilang na ang nasa military at state university hospitals.
Habang ang natitira namang P3.42 bilyon ay para sa 426,414 health workers na nagrereport sa local government units (LGUs) at pribadong health facilities.
Sa ilalim ng OCA, ang health workers na matutukoy na high risk sa COVID-19 ay makatatanggap ng P9,000 kada buwan samantalang ang moderate risk ang exposure ay P6,000 at ang low risk ay P3,000.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na mas mabilis na ngayon ang pagpapalabas ng nabanggit na allowance. Wala aniyang tinanggal sa allowance ng health care workers, kundi pinabilis lamang ang proseso.
Aniya . . . “Kung dati po kailangan naming i-validate at i-compute per specific allowance, ngayon po nasa isang lumpsum na po siya na ibibigay natin sa health workers according to their risk classification…Lesser na po ang tsansa para ma-delay ang pag-release natin ng kanilang mga allowances.”