COVID-19 boosters para sa lahat ng adults, binigyan na ng awtorisasyon sa US
Inawtorisahan na ng United States ang Pfizer at Moderna COVID-19 vaccine boosters para sa lahat ng nasa edad 18 pataas.
Ang boosters ay dati lamang pinayagang ibigay sa immune compromised, mga lampas 65 at mga taong mataas ang panganib na dapuan ng malubhang COVID-19, at mga taong nasa high risk occupations.
Sinabi ni US Food and Drug Administration (FDA) acting commissioner Janet Woodcock, na ang bagong desisyon ay makatutulong para magkaroon ng tuloy-tuloy na proteksiyon laban sa COVID-19, pati na rin laban sa serious consequences na resulta ng pagkakasakit.
Niratipikahan ng isang panel ng mga eksperto na pinulong ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang desisyon, para mapalawak pa ang grupo ng mga taong maaaring bigyan ng booster shot, kung saan inirerekomenda nila ito sa mga taong lampas ng 50 kahit walang underlying conditions.
Ayon kay Camille Kotton, isang infectious disease clinician sa Massachusetts General Hospital . . . “I am really glad that we have clarity and streamlining of the recommendations so that all Americans can understand the vaccines that are recommended for them at this time.”
Sinabi naman ni CDC director Rochelle Walensky, na ang booster ay isang mahalagang pamamaraang pangkalusugan para mapalakas ang depensa laban sa virus, ngayong papasok na ang winter.
Ayon sa FDA, ibinase nila ang kanilang desisyon sa datos na nagpapakita na malakas ang immune response sa boosters ng daan-daang kataong nabigyan na ng booster shot ng Pfizer at Moderna vaccines.
Nagsagawa rin ang Pfizer ng isang clinical trial na kinapapalooban ng 10,000 kataong lampas 16 anyos ang edad, kung saan lumitaw na ang booster ay mabisa laban sa symptomatic infection ng hanggang 95 percent kumpara sa mga hindi nabigyan ng booster.
Ang dalawang booster shot ay maaari nang ibigay makalipas ang anim na buwan mula nang matanggap ang 2nd dose.
Ang mga binakunahan naman ng Johnson & Johnson one-dose vaccine ay puwede nang bigyan ng booster shot ng kahit na anong uri ng bakuna, makalipas ang dalawang buwan mula sa una nilang bakuna.
Ang desisyon para sa booster ay ginawa sanhi ng pagtaas ng mga kaso sa buong bansa, kung saan umabot sa 88,000 bagong impeksiyon ang average na naitatala bawat araw.
Ayon naman sa mga kritiko, ang malaking bilang ng mga taong nao-ospital o namamatay dahil sa COVID-19 ay hindi pa bakunado, at ang pinakamainam anilang paraan para makontrol ang winter wave ay maragdagan ang mga magpapabakuna sa halip na bigyan ng booster ang mga bakunado na.
Malawakan ding sumasang-ayon ang mga eksperto, na hindi mareresolba ng booster lamang ang pandemya, habang ang mahihirap na mga bansa laluna ang Africa ay namamalaging nasa single-digit lamang ang percentage ng mga nabigyan na ng 1st dose ng bakuna. (AFP)