COVID 19 cases sa mga tauhan ng BI tumaas
Maging ang mga frontliner ng Bureau of Immigration ay apektado na rin ng COVID-19.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, sa ngayon ay nasa 251 ang active cases ng COVID-19 sa kanilang mga tauhan.
Sa nasabing bilang, 135 ang naka assign sa airport, 91 ang nakatalaga sa BI main office sa Intramuros, at 25 naman mula sa iba pang tanggapan ng BI.
May 269 airport personnel rin umano ang naka-quarantine habang naghihintay ng resulta ng kanilang COVID-19 testing.
Aminado si Morente na malaki na ang epekto nito sa kanilang operasyon sa mga paliparan at opisina.
Pero naghanda aniya sila ng rapid response team na naka standby para tumulong at hindi naman maapektuhan ang kanilang serbisyo.
May antigen testing narin aniya sila sa kanilang mga tauhan na nalalantad sa virus.
Sa ginawang testing kahapon ng umaga, kung saan sa 38 sa mga na-swab sa Ninoy Aquino International Airport 4 ang nagpositibo.
Hiniling na rin aniya nila sa Department of Justice na mabawasan ang kanilang on-site work force.
Ang DOJ ang mother department ng BI.
Madz Moratillo