COVID-19 isolation time para sa ilang manlalaro, binawasan ng NBA
Binawasan ng NBA ang quarantine time mula 10 araw ay ginawa na lamang anim para sa mga nabakunahang manlalaro at coach na na-expose o nahawa sa COVID-19 ngunit asymptomatic.
Ang hakbang na ipinarating sa mga koponan sa pamamagitan ng isang league memo, ay nakasabay ng hakbang ng US Centers for Disease Control and Prevention (CDC), na bawasan ang isolation time para sa may Covid-19 na asymptomatic, na mula sa sampu ay gawin na lamang limang araw.
Ang mas mabilis na pagbalik ng mga manlalaro sa active status ay napagkasunduan ng liga at ng players union, matapos ma-postpone ang siyam na laro dahil hindi makabuo ng minimum na walong players ang mga koponan dahil sa mga manlalarong naka-isolate dhil sa Covid-19.
Maaari na ring makalabas ng COVID-19 quarantine kung may dalawang negative test results na 24 oras o higit pa ang pagitan.
Nahaharap ngayon ang NBA sa maraming bilang ng mga manlalarong sumasailalim sa kanilang COVID-19 health and safety protocols, kung saan 205 ngayong season, 192 ngayong December at 169 sa mga ito ay sa loob ng nakalipas na dalawang linggo.
Dalawampu’t pitong (27) ang sumailalim sa protocol nitong Linggo, pinakamarami ngayong season o sampung higit kaysa noong Huwebes.
Samantala, puspusang Covid-19 tests sa mga manlalaro sinimulan na ng liga ngayong Martes, December 28.