COVID-19 positives na kawani ng hudikatura sa ‘NCR Plus,’ pwedeng manatili sa isolation facility ng Red Cross sa College of St. Benilde
Eksklusibong nakalaan para sa mga COVID-19 positive na empleyado ng hudikatura ang isang palapag ng isolation facility ng Philippine Red Cross (PRC) na nasa De La Salle- College of St. Benilde (DLS-CSB) sa Maynila.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, nakipag-partner ang Korte Suprema sa PRC at sa CSB para magamit ng judiciary employees na nasa ‘NCR Plus’ bubble ang temporary isolation facility sa unibersidad.
Ang isang palapag ng nasabing pasilidad ay maaaring mag-accomodate ng 50 kawani ng hudikatura na nagtatrabaho sa NCR Plus.
Kaugnay nito, nagisyu si Chief Justice Alexander Gesmundo ng guidelines sa paggamit at pag-avail ng PRC isolation facility sa CSB.
Sinabi ng SC PIO na ang mga tatanggaping pasyente mula sa hudikatura ay ang mga ini-refer lang ng SC Medical and Dental Services na may mild na sintomas o kaya ay asymptomatic.
Tiniyak ng Korte Suprema na susunod ito sa mga panuntunan at regulasyon na ipinapatupad ng PRC sa pasilidad.
Moira Encina