COVID-19 response ng Pilipinas tuloy – DOH
Magpapatuloy pa rin ang COVID-19 response ng Pilipinas kahit pa binawi na ng World Health Organization (WHO) ang global health emergency declaration sa COVID-19.
Paliwanag ni Health OIC Ma. Rosario Vergeire na may sariling deklarasyon ng public health emergency noon si dating Pangulong Rodrigo Duterte na hanggang ngayon ay epektibo pa rin, malibang bawiin na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Dito aniya naka-angkla ang kasalukuyang bakunahan gaya ng emergency authorization sa mga bakuna at iba pang may kaugnayan sa COVID-19 response.
Kaya naman tuloy pa rin aniya ang bakunahan kontra COVID-19 ng gobyerno.
Pero hini-hikayat na rin ng Department of Health (DOH) ang mga vaccine manufacturer na mag-apply na ng certificate of product registration (CPR).
Sa ngayon, ang Janssen pa lang ang nag-apply ng CPR sa food and drug administration.
Sakaling magkaroon ng CPR at may bayad na ang mga bakuna, pag-aaralan aniya ng gobyerno kung magsa-subsidize pa.
“Let’s see if government can subsidize portion of the population,” pahayag pa ni Vergeire.
Kahapon, May 8, nagpulong ang Inter Agency Task Force Against COVID-19 (IATF) para pag-usapan ang implikasyon ng pagbawi ng WHO sa global health emergency declaration.
“Lahat ng rekomendasyon ay isusumite sa Pangulo para sa kunsiderasyon at approval ng lahat ng polisiya at IATF resolution ay in effect until repealed,” paliwanag pa ng health official.
Bagamat patuloy na tumataas ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa na nasa 1,400 na ang average na naitatala kada araw, muling iginiit ng DOH na hindi dapat mag-panic ang publiko dahil nananatili namang mababa ang bilang ng nao-ospital dahil dito.
Sa COVID-19 beds aniya sa bansa ay 21% lang ang utilization rate habang 16% naman ang sa ICU beds.
Madelyn Moratillo