COVID-19 strategy ng Japan, luluwagan na
Sinabi ni Japanese Prime Minister Fumio Kishida, na inalis na ng gobyerno ng Japan ang rekomendasyon nito na magsuot ng mask indoors at luluwagan na rin ang medical classification para sa COVID-19.
Ang mga pagbabago, na epektibo mula sa unang bahagi ng Mayo, ay mag-uuri sa sakit sa parehong antas ng trangkaso, mula sa kasalukuyang katayuan nito na katumbas ng tuberculosis at SARS.
Ayon kay Kishida, “As for masking, regardless of indoors and outdoors, the decision will be left up to individuals. We will take further steps towards ‘life with corona’ and make steady progress on returning to normality in homes, schools, workplaces, neighbourhoods and all facets of life.”
Ang mask ay makikitang ginagamit ng mga tao kapag nasa mga pampublikong lugar at karaniwang isinusuot din kapag nasa labas, sa kabila nang sinabi ng gobyerno na hindi na ito kailangan sa labas, sa mga lugar na hindi naman matao.
Bago pa man pumutok ang pandemya noong 2020, marami nang tao sa Japan ang nagsusuot ng mask kapag sila ay may sipon o hayfever o para maiwasang magkasakit kapag winter.
Ipinahihiwatig sa mga survey na isinagawa ng mga pangunahing media outlet, na karamihan sa mga tao ay magsusuot pa rin ng mask para sa public health purposes kahit na inalis na ng gobyerno ang rekomendasyon nito.
Ang pagbabago ay nangangahulugan na simula sa Mayo 8, pagkatapos ng “Golden Week” holiday period ng Japan, ang mga pasyente na may COVID-19 at kanilang close contacts ay hindi na kailangang i-isolate.
Sa kabilang dako, plano rin ng South Korea na alisin na ang kanilang indoor masking requirement simula sa Lunes, habang niluwagan naman ang China ang kanilang mahigpit na zero-Covid strategy.
© Agence France-Presse