COVID-19 surge sa PHL. posible, kung tuloy-tuloy ang paglabag sa minimum health protocols – DOH
Kung nitong Marso at Abril ay pababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa, pataas naman ang bilang ng mga kaso ang nakikita ng mga eksperto mula sa Department of Health (DOH) kung patuloy na bababa ang bilang ng mga sumusunod sa minimum public health standards.
Babala ng DOH pagsapit ng kalagitnaan ng Mayo, may posibilidad na pumalo sa halos kalahating milyon ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa sa kalagitnaan ng Mayo.
Ito batay sa projection ng DOH ay kung bababa ng 50% ang bilang ng mga sumusunod sa minimum public health standards.
Ayon sa DOH, kapag nangyari ito maaaring umabot sa 25 hanggang 60 libo ang daily cases ng COVID-19 sa bansa.
Tatlong beses itong mas mataas kaysa naitalang bilang ng aktibong kaso ng virus sa bansa noong kasagsagan ng Omicron na nasa 291,618 lamang .
Pero kung 30% naman ang magiging pagbaba ng pagsunod sa health protocol, ayon sa DOH, 300 libo ang maaaring maging bilang ng active cases ng covid 19 sa bansa.
Kung 20% naman ang pagbaba sa pagsunod sa MPHS, nasa 34,788 daw ang pwedeng maging active cases sa bansa pagsapit ng Mayo kung saan 564 rito ay severe habang 267 naman ay kritikal.
Pero kung istrikto umanong susunod sa health protocol ang lahat at tataas pa ang bilang ng nagpapabakuna at nagpapabooster, ayon sa mga eksperto, pwede raw bumaba o magplateau ang kaso ng COVID-19 hanggang Mayo.
Mula daw sa 26,256 hanggang nitong April 12, pwede itong bumaba sa 1,293 hanggang 16,934 na lang sa Mayo.
Batay naman sa pagtaya ng Australian Tuberculosis Modelling Network Team, kung makakapasok daw sa Pilipinas ang bagong variant na sinasabing 2 beses na mas nakakahawa kaysa Omicron, maaaring magkaroon ng peak sa ICU admissions sa NCR.
Pwede raw itong mangyari sa kalagitnaan ng Mayo.
Ayon naman kay Health Usec. Ma Rosario Vergeire, ang mga nasabing numero ay projection palang at pwede pang mabago kung susunod ang lahat sa mga ipinatutupad na pag-iingat para maiwasan ang hawahan ng COVID 19.
Madelyn Villar – Moratillo