Covid-19 Vaccination Program Act of 2021, nilagdaan na ni PRRD
Nalagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang magpapabilis sa pagbili ng bakuna.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, isa ito sa mga itinuturing na Landmark Legislation na inaasahang makatutulong na maresolba ang problema sa Pandemya.
Sa ilalim ng batas, binibigyan ng otorisasyon ang National Government, mga lokal na pamahalaan at mga pribadong sektor na bumili ng bakuna sa pamamagitan ng National Task Force against Covid-19 at Department of Health (DOH).
Binibigyan rin ng otorisasyon ang mga LGU na direktang bumili ng suplay at serbisyong kakailanganin para sa pag-iimbak, transportasyon at pagpapadala ng bakuna na hindi na kailangang sundin ang mga legal requirements sa Procurement Law.
Kabilang rito ang Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act; Presidential Decree 1445 o Government Auditing Code of the Philippines at Local Government Code.
Nakapaloob rin ang National vaccine indemnity fund na aabot sa 500 milyong piso na kukunin sa contingent fund ng 2021 General Appropriations Law para maragdagan ang kasalukuyang pondo ng PhilHealth.
Ang Indemnity fund ay isa sa mga hinihinging requirements ng mga Pharmaceutical companies bago aprubahan ang anumang kontrata sa bakuna.
Magtatatag naman ng isang Special Task Force na bubuuin ng mga Medical at Vaccin expert para mamonitor ang posibleng mga epekto ng bakuna.
Exempted naman sa anumang buwis at importation duties ang bakuna at anumang medical supplies na gagamitin laban sa Covid-19.
Ang DOH ang mag-iisyu ng Vaccination card kung saan nakapaloob ang Personal Information, anong brand ng bakuna ang gagamitin, kailan tuturukan at ang huling RT-PCR Testing.
Meanne Corvera