COVID-19 vaccination program para sa A3 priority group, isinagawa sa Maynila
Nagsagawa ng COVID-19 vaccination program sa Emilio Jacinto Elementary School sa Maynila, para sa mga kabilang sa A3 Priority Group o persons with comorbidities.
Ang A3 Priority Group ay binubuo ng mga taong may sakit na Chronic Respiratory Disease or Track Infection, Hypertension, Obesity, Neurological Disease, Cardiovascular Disease, Chronic Liver or Kidney Disease, Tuberculosis, Cerebrovascular Accident, Malignancy, Immunodeficiency State, Diabetes, at iba pang katulad nito.
Alas-siyete pa lamang ng umaga kanina ay mahaba na ang pila sa labas ng nasabing paaralan.
Gayunman, may ilang pumila na hindi naman kabilang sa nabanggit na priority group. Katwiran nila, mali ang impormasyong ibinigay sa kanila ng mga opisyal ng barangay na nakasasakop sa kanila.
May ilan ding senior citizens na nagbakasakali ngunit sila ay pinauwi, dahil ubos na ang AstraZeneca vaccine na siyang naka-allocate para sa kanila.
Samantala, alas-otso ng umaga ay nag-umpisa nang papasukin ang mga babakunahan.
Subalit tiniyak ng mga taga-Manila Health Department na ang mga magpapabakuna ay talagang kabilang sa A3 o sila ay may comorbidities. Sa labas pa lamang ng nasabing vaccination site ay inalam na kung may dala silang proof of comorbidity, gaya ng Medical Certificate sa nakalipas na 18 buwan, Prescription ng Maintenance Medicine na galing sa doktor sa nakalipas na 6 na buwan, Hospital Records o di kaya naman ay Surgical Pathology Records.
Coronavac vaccine na gawa ng Sinovac mula China ang bakunang ibinigay sa nabanggit na priority group.
Ulat ni AJ Zamora