Covid-19 vaccination program para sa mga kabataan, umarangkada na sa Navotas City
Sinimulan na kahapon ang pagbabakuna kontra Covid-19 sa mga kabataang may edad 12 hanggang 17 taong gulang na may Comorbidity, sa Lungsod ng Navotas.
Ngayong araw naman (November 3) ay pinangunahan ni Doctor Ferdinand Salvadora ang pagbabakuna sa mga kabataan na wala namang iniindang karamdaman.
Ang kailangan lamang ay magparehistro sa Covax.Navotas.Gov.Ph. at maipakita ang QR Code, gayundin ang kanilang Medical Certificate at School ID.
Hindi naman pinapayagan ang mga kabataang walang kasamang guardian o magulang, sapagkat may kailangan silang pirmahan bago bakunahan ang kanilang mga anak.
Nilalayon ng programa na tuluyan nang mapababa at mapigilan ang pagkalat ng mapaminsalang sakit sa Lungsod.
Labis naman ang tuwa at pasasalamat ng mga magulang ng mga kabataang nabakunahan na, sapagkat may proteksyon na ang kanilang mga anak laban sa nakamamatay na sakit.
Gayundin ang pasasalamat nila sa maayos at mabilis na sistema ng nasabing programa sa tulong ng mga kawani ng Barangay at Navotas Frontliners.
Aldrin Puno