COVID booster shots para sa mga edad 40 pataas, sisimulan na sa Israel
JERUSALEM, Israel (AFP) – Inihayag ni Health Minister
Nitzan Horowitz, na simula ngayong weekend ay uumpisahan na ng Israel ang pagbibigay ng booster shots sa mga nasa edad 40 pataas.
Isa ang Israel sa mga bansang unang naglunsad ng vaccination drive sa kalagitnaan ng Disyembre ng nakalipas na taon, sa pamamagitan ng pakikipagkasundo sa Pfizer na makakuha ng milyun-milyong doses ng bakuna, kapalit ng pagbabahagi ng data tungkol sa bisa nito.
Ang kampanya ay naging matagumpay at malaki ang naitulong sa pagbaba ng infections sa bansang may 9 na milyong populasyon.
Subalit muling tumaas ang mga kaso sanhi ng Delta variant, sa kalipunan ng mga hindi pa bakunado.
Sa pagtatangkang mapigil ang pagkalat nito, nitong nakalipas na linggo ay sinimulan na ng mga awtoridad na magbigay ng booster shot sa mga nasa edad 50 pataas, matapos simulan ang kampanya para sa nasa higit 60 ang edad noong nakaraang buwan.
Ayon kay Horowitz . . . “We have vaccines for everyone and now those 40 and older can receive a third dose. The vaccine is effective. Let’s stop this Delta.”
Higit 5.4 milyong Israeli ang nakatanggap na ng dalawang dose, habang 1.2 milyon naman ang nabigyan na ng third dose.
Agence France-Presse