COVID cases sa Bilibid inmates pumalo sa 105 – BuCor
Tumaas pa sa 105 inmates sa New Bilibid Prisons (NBP) ang nag-positibo sa COVID-19.
Mula ito sa 2,216 inmates na sumailalim sa COVID antigen tests mula Mayo 3 hanggang Mayo 8, 2023.
Pero sa bilang ng mga nagpositibo, 16 na laamng ang nananatili sa isolation ward ng piitan.
Ito ay makaraang gumaling at makalabas na ng isolation ang ilan pang persons deprived of liberty (PDLs) na una nang nagpositibo sa Covid.
Sa daily medical report na isinumite kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr., sa 16 PDLs na nananatili sa isolation ward, 8 ang may mild symptoms habang ang 8 iba pang inmates ay asymptomatic.
Samantala, 11 tauhan naman ng BuCor ang nagpositibo mula sa 50 na isinailalim sa COVID test sa mga nasabing petsa.
Sinabi ng BuCor na nagpapatuloy ang contact tracing sa kawanihan para maiwasan ang pagkalat pa ng virus sa mga inmates at mga tauhan nito.
Moira Encina