Covid lockdown sa Auckland, pinalawig pa
Inihayag ni New Zealand Prime Minister Jacinda Ardern, na tatagal ng dalawang linggo pa ang umiiral na lockdown sa Auckland, ang pinakamalaking lungsod sa bansa.
Sinabi ni Ardern, na ang siyudad na may dalawang milyong populasyon ay ibababa na sa level three sa four-tier coronavirus response system ng New Zealand bukas (Martes), habang patuloy ang pagsisikap ng health authorities na tapusin na ang isang outbreak ng Delta variant.
Aniya . . . “We’re moving now because the advice we have is that we do not have widespread, undetected transmission in Auckland. If everyone continues to play their part, we can continue stamping out the virus.”
Nangangahulugan na ang stay-at-home orders ay mananatili, ngunit ang ilang mga negosyo gaya ng takeaway food outlets ay maaaring mag-operate sa pamamagitan ng contactless delivery.
Nagpatupad ang New Zealand ng isang nationwide lockdown noong Aug. 17, nang lumitaw ang unang kaso ng lubhang nakahahawang Delta variant.
Ayon pa kay Ardern . . . “At the moment, we continue to see mystery cases cropping up through community testing. We want to see a turnaround in some of these situations.”
Ginagamit ng New Zealand ang isang “Covid zero” elimination strategy, na nagresulta sa pagkamatay lamang ng 27 katao mula sa limang milyong populasyon ng bansa.
Anim na buwan nang walang community cases sa New Zealand, bago ang August outbreak.