COVID positivity rate sa NCR umakyat sa 24.2% — OCTA
Umakyat pa sa 24.2% ang COVID-19 positivity rate sa Metro Manila hanggang nitong May 9.
Sa twitter post ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David ang numero ay mula sa 19.7% na naitala noong May 2.
Asahan pa aniya ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa susunod na isa hanggang 2 linggo.
Gayunman, nananatiling mababa ang hospital bed occupancy na nasa 27%.
Samantala, sinabi ni David na ang positivity rate naman sa buong bansa ay nasa 22.4%.
Pagtaya ni David, posibleng pumalo ng 1,900 hanggang higit 2,000 ang bagong mga kaso ng COVID-19 sa mga susunod pang araw.
Una nang iminungkahi ng OCTA Research Group na bagaman inalis na ang COVID-19 bilang isang global health emergency ay dapat manatiling nagpapalabas ng mga advisory at safety guidelines ang Department of Health (DOH) para makapag-ingat ang publiko.