Covid, pumapatay pa rin ng 1,700 kada linggo ayon sa WHO
Inihayag ng World Health Organization (WHO), na 1,700 kada linggo pa rin ang namamatay dahil sa Covid-19.
Kaugnay nito ay hinimok ng WHO ang mga tinatawag na “at-risk population” na maging updated sa kanilang bakuna laban sa sakit.
Kasunod ito ng babala ni WHO director-general Tedros Adhanom Ghebreyesus, tungkol sa pagbaba ng ‘vaccine coverage.’
Sinabi nito na sa kabila ng patuloy na insidente ng pagkamatay dahil sa Covid, lumitaw sa data na bumababa ang vaccine coverage sa kalipunan ng health workers at mga indibidwal na lampas sa edad 60, na dalawa sa “most at-risk groups.”
Aniya, “WHO recommends that people in the highest-risk groups receive a Covid-19 vaccine within 12 months of their last dose.”
Mahigit sa pitong milyong Covid deaths ang naiulat sa WHO, bagama’t ang totoong bilang ng mga namatay sa pandemya ay ipinalalagay na mas marami pa.
Naging sanhi rin ng pagbagsak ng mga ekonomiya ang Covid-19, at pumilay sa health systems.
Idineklara ni Tedros na tapos na ang Covid-19 bilang isang international public health emergency noong May 2023, mahigit tatlong taon mula nang unang ma-detect ang virus sa Wuhan, China, sa huling bahagi ng 2019.
Hinikayat ng WHO ang mga gobyerno na panatilihin ang virus surveillance at sequencing, at tiyakin ang access sa abot-kaya at mapagkakatiwalaang mga pagsusuri, gamutan at mga bakuna.