Covid shot, 100% pa ring mabisa sa adolescents makalipas ang 4 na buwan ayon sa Pfizer
Inihayag ng Pfizer at BioNTech, na namamalaging 100 percent effective ang kanilang Covid-19 vaccine sa mga batang edad 12 – 15, apat na buwan makalipas ang second dose.
Ayon sa mga kompanya, ang bagong datos na kinapapalooban ng 2,228 trial participants, ay makatutulong para suportahan ang kanilang aplikasyon para sa full approval sa Estados Unidos at sa buong mundo.
Walang seryosong safety concerns na naobserbahan sa mga indibidwal na binigyan ng 2nd dose makalipas ang hindi bababa sa anim na buwan.
Ayon kay Pfizer CEO Albert Bourla . . . “As the global health community works to increase the number of vaccinated people around the world, these additional data provide further confidence in our vaccine’s safety and effectiveness profile in adolescents.”
Aniya . . . “This is especially important as we see rates of COVID-19 climbing in this age group in some regions, while vaccine uptake has slowed. We look forward to sharing these data with the FDA and other regulators.”
Ang bakuna ay pinagkalooban ng “emergency use authorization” para sa US adolescents noong May, at plano ng mga kompanya na sa lalong madaling panahon ay humingi ng approval. Sa kasalukuyan, ang bakuna ay fully approved lamang para sa mga nasa edad 16 pataas.
Sa kalipunan ng 2,228 participants, may 30 kumpirmadong symptomatic Covid cases na walang ebidensiyang dati na silang nagka-Covid, lahat ito ay nasa placebo group.
Ito ay tumutugma sa pagiging 100 porsiyentong epektibo ng bakuna. Ang pagiging epektibo ay patuloy na mataas mapababae man o lalaki, anuman ang lahi, antas ng katabaan o obesity at comorbidity status.
Ang pangunahing alalahanin sa kaligtasan sa pangkat ng edad na ito, ay ang myocarditis na nauugnay sa bakuna (pamamaga sa puso) sa mga lalaki.
Ngunit ang mga ganitong kaso ay napakabihira, at ang mga benepisyo ng pagbabakuna ay patuloy na mas lamang kaysa panganib, ayon sa datos. Ang Covid mismo ay maaaring magdulot ng myocarditis, kapwa sa mas madalas na pagkakataon at mas malubha. (AFP)