Covid test para sa mga manlalakbay mula sa China, hindi kailangan sa Thailand
Sinabi ng Thai authorities, na ang mga biyahero mula sa China ay makapapasok sa kanilang bansa kahit walang pre-departure coronavirus tests.
Ang China ay nakaranas ng biglang paglobo sa infections at ang kanilang mga pagamutan at crematoriums ay napuno, matapos magpatupad ng pagluluwag sa mahihigpit na restriksiyon ang Beijing.
Ang Estados Unidos, Canada, Japan at France ay kabilang sa mga bansa na nagpatupad ng mga bagong patakaran na nag-aatas sa mga biyahero mula China na magpakita ng negative Covid tests, dahil sa mga pangamba kaugnay ng pagtaas ng bilang ng mga kaso.
Subalit sinabi ng Thai authorities na lahat ng mga bansa ay dapat na magkakapareho ang maging pagtrato.
Sinabi ni Public Health Minister Anutin Charnvirakul, “Thailand does not require Covid test results from tourists from any country.”
Ang pahayag ay ginawa kasunod ng pagpupulong sa pagitan ng mga opisyal ng kalusugan, turismo at transportasyon.
Ang China ang pinakamalaking pinanggagalingan ng foreign tourists ng Thailand bago ang pandemya, na may halos 11 milyong arrivals noong 2019, ayon na rin sa government data.
Ang turismo ang kumakatawan sa halos 20 porsiyento ng national income ng Thailand bago nagkaroon ng pandemya, at malaki ang naging epekto ng pagpapatupad ng mahigpit na border restrictions sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic sa mga hotel, restaurant at tour operators sa buong bansa.
Ayon kay Anutin, “This is an opportunity to restore our economic situation and recover from losses we suffered for nearly three years.”
Sinabi naman ni Tanes Petsuwan, deputy governor ng Tourism Authority ng Thailand, na inaasahan niyang humigit-kumulang 60,000 Chinese nationals ang papasok sa Thailand ngayong buwan at ang bilang ay patuloy pang tataas.
Ayon kay Tourism Minister Pipat Ratchakitprakan, “We expect Chinese tourists to come to Thailand after Chinese New Year.”
Noong Disyembre, ay naitala ng Thailand ang ika-10 milyong international visits nito para sa 2022, isang malaking pagtaas sa 430,000 na nangyari noong 2021 ngunit malayo pa rin sa 40 milyong arrivals na naitala noong 2019.
Sa pagtaya ng Thai officials, na nasa 20 milyon ang bibisita ngayong 2023, bagamat naniniwala sila na ang Chinese tourists ay maaaring umabot pa ng hanggang halos 25 milyon.
© Agence France-Presse