Covid vaccine ng India, lubos na mabisa ayon sa pag-aaral
Lumitaw sa isinagawang pag-aaral na nalathala sa Lancet, na ang Covaxin na unang Covid-19 vaccine na dinivelop ng India, ay lubos na mabisa laban sa symptomatic Covid-19 disease sa adults, at walang dapat ipag-alala sa kaligtasan.
Nitong nakalipas na linggo ay binigyan ng World Health Organization (WHO) ng emergency approval ang Covaxin na dinivelop ng Bharat Biotech, at pinayagan nang gamitin sa 17 mga bansa.
Sa paglalarawan ng WHO . . . “Covaxin is extremely suitable for low-and-middle-income countries due to easy storage requirements.”
Ang ilan sa iba pang aprubadong mga bakuna, ay kailangang i-imbak sa napakalamig na lalagyan, na nagdudulot ng suliraning pang pinansiyal at problema sa pagbibiyahe nito.
Ayon pa sa WHO . . . “The vaccine was highly efficacious against laboratory-confirmed symptomatic Covid-19 disease in adults, and is also well tolerated with no safety concerns raised in this interim analysis.”
Ang Indian-developed vaccine ay may 78-percent efficacy rate pagkatapos ng dalawang doses.
Kasama na ngayon ang Covaxin sa talaan ng mga bakunang aprubado ng WHO, gaya ng Pfizer/BioNTech, Moderna, AstraZeneca, Johnson&Johnson, Sinopharm at Sinovac.
Ayon naman sa Chinese researchers na hindi lumahok sa pag-aaral na sina Li Jingxin at Zhu Fengcai . . . “The roll-out of Covaxin can increase the finite global manufacturing capacity, and improve insufficient supply of vaccines which disproportionately affected low-income and middle-income countries.”
Gayunman ay may binanggit silang ilang limitasyon sa pag-aaral, sa pagsasabing ang trials ay sa India lamang ginawa.
Nangyari rin ito sa pagitan ng November 2020 at January 2021, bago kumalat ang mas nakahahawang Delta variant ng Covid-19.
Subali’t sa kabila ng petsa ng trials, nagawang tukuyin ng mga researcher na kasama sa pag-aaral kung sino sa mga pasyente ang infected ng Delta variant.
Para sa naturang sub-group, lumitaw sa pag-aaral na ang Covaxin ay nagbigay pa rin ng proteksiyon laban sa Covid, ngunit bahagyang hindi masyadong epektibo. (AFP)