Crash Rescue Exercise isinagawa sa NAIA
Para masubok ang kahandaan nito sa pagresponde sa mga insidente ng aircraft crash, nagsagawa ng Crash Rescue Exercise (CREX) 2023 ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa MIAA, ino-obliga ng International Civil Aviation Organization (ICAO) ang airport authorities ng member states na magsagawa kada dalawang taon ng full-scale airport emergency exercise.
Layon nitong masiguro na batid ng airport authorities ang mga pinakahuling rekomendasyon sa ilalim ng ICAO Standards and Recommended Practices (ICAO-SARPS) manuals.
Ia-assess din sa crash rescue exercise ngayong taon kung epektibo ang mga umiiral na panuntunan at patakaran ng MIAA Airport Emergency Plan (MIAA-AEP).
Pangunahing responders sa in-airport emergency sa NAIA ang MIAA Rescue and Firefighting and Medical units.
Sa crash incident scenario na kinasasangkutan ng isang dummy Airbus aircraft na papuntang Subic, 72 ang survivors at walo ang nasawi.
Bukod sa primary responders, rumesponde rin ang helicopters ng Philippine Coast Guard (PCG) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa unang pagkakataon isinama rin sa exercise ngayong taon ang simulation para sa management at handling ng mga kamag-anak ng mga biktima.
Bukod sa triage area at command post ay may mga tent na inilagay para sa family assistance center, reunification area at survivor reception area.
Sa unang pagkakataon, sinaksihan din ng mga kinatawan ng iba’t ibang airline companies ang emergency exercise.
Noong 2017 pa huling isinagawa ang CREX.
Kumpiyansa ang MIAA sa kahandaan nito sa pagtugon sa aircraft crash emergency pero patuloy nilang pagbubutihin pa ang kanilang mga panuntunan.
Moira Encina