Crew ng inagaw na Israel-linked tanker sa Yemen, ligtas ayon sa isang US official
Isang tanker na may kaugnayan sa isang Israel-affiliated company ang inagaw sa Yemen ng mga armadong indibidwal, ayon sa isang US official, subali’t ligtas na ang crew nito.
Sinabi ng isang US defence official, “There are indications that an unknown number of unidentified armed individuals seized the M/V Central Park in the Gulf of Aden on Nov. 26.”
Ayon naman sa maritime security firm na Ambrey, “US naval forces are engaged in the situation” makaraan ang insidente na kinasasangkutan ng Central Park, na pag-aari at pinanatakbo ng isang UK-based, Israel-linked company.
Ilang oras ang makalipas, isa pang US defence official ang nagsabi na tumugon ang US at coalition forces sa emergency sa tanker, at ang crew ng M/V Central Park ay ligtas na.
Hindi naman agad malinaw kung ang crew ay lulan pa rin ng tanker, maging ang kinaroroonan ng barko.
Sinabi ng may-ari na Zodiac Maritime, na kabilang sa 22 crew ay Russian, Vietnamese, Bulgarian, Indian, Georgian at mga Pilipino, gayundin ang isang Turkish captain ayon sa Ambrey.
Dagdag pa nito, una nang nagbanta ang Iran-backed Huthi rebels ng Yemen na aatakihin nila ang tanker kapag hindi ito nag-divert sa Hodeida port.
Ayon sa Ambrey, naharang ng US coalition warship ang komunikasyon at nagbabala sa Central Park na huwag pansinin ang mga mensahe.
Dagdag pa ng Ambrey, “The boarding took place offshore from the Yemeni port city of Aden, with another vessel in the area reporting ‘an approach by eight persons on two skiffs’ wearing military uniforms.”
Ang insidente ay nangyari matapos sabihin ng isang US defence official na isang Israeli-owned cargo ship ang napinsala ng hinihinalang Iranian drone attack sa Indian Ocean noong Biyernes, at isang linggo matapos agawin ng Huthis ang isang Israel-linked cargo vessel sa southern Red Sea.
Ang Huthis, na ibinibilang ang kanilang grupo na bahagi ng “axis of resistance” ng Iran-affiliated groups, ay naglunsad ng serye ng drone at missile strikes target ang Israel simula nang mangyari ang sorpresang pag-atake ng Hamas militants sa Israel noong Oktubre 7.