Cross-border roads sa South, nakatakdang pasabugin ng North Korea sa gitna ng drone row ayon sa Seoul
Naghahanda na ang North Korea na pasabugin ang cross-border roads nila ng South Korea, sa gitna ng tumitinding palitan ng maaanghang na salita, makaraang akusahan ng NoKor ang SoKor nang pagpapadala ng drones sa Pyongyang na kabisera ng North.
Ayon sa military spokesman ng South Korea, “North Korean troops were working under camouflage on the roads on its side of the border near the west and east coasts that are likely preparations to blow up the roads, possibly as early as on Monday.”
Noong isang linggo ay iniulat ng state media ng North Korea na KCNA, na tuluyan nang puputulin ng North Korean Army ang mga kalsada at riles na nagdurugtong sa kanila sa South Korea, at palalakasin ang mga lugar na nasa panig ng kanilang border o hangganan.
Sa hiwalay na pahayag noong Biyernes ay inakusahan ng NoKor ang South Korea nang pagpapadala ng drones upang magpakalat ng maraming anti-North leaflets sa Pyongyang, na tinawag nitong military provocation na maaaring mauwi sa isang armed conflict.
Tumanggi si Lee Sung-jun, isang tagapagsalita para sa Joint Chiefs of Staff ng SoKor na sagutin ang mga tanong kung ang South Korean military ba o mga sibilyan ang nagpalipad ng drones.
Sa iba pang mga pahayag nitong weekend, nagbabala ang North Korea ng isang “horrible disaster” kapag muling nasumpungan ang South Korean drones sa Pyongyang. Nitong Linggo ay sinabi ng NoKor, na naglagay na ito ng walong fully armed artillery units sa border “na naka-standby na para magpaputok.”
Sinabi ng militar ng South Korea, na ang pagtanggi nitong sagutin ang mga tanong tungkol sa mga drone ay dahil ang pagtugon sa sinasabi ng North ay maaaring ikahulog ng SoKor sa isang taktika ng Pyongyang, upang gumawa ng mga dahilan para sa mga provokasyon.
Ayon kay Lee, sinikap ng South Korea na palakasin ang kanilang anti-drone defences simula pa noong 2022, mula nang pasukin ng limang drones ng North Korea ang airspace ng SoKor at lumipad sa ibabaw ng Seoul nang ilang oras.
Ayon naman kay Lee Kyoung-haing, isang eksperto sa military drone operations sa Jungwon University, na hindi mahirap para sa mga sibilyan na makakuha at magpalipad ng drones na ang range ay 300 km (186 miles), at mag-round trip mula SoKor papunta sa Pyongyang, na may dalang ‘light payloads’ gaya ng leaflets.
Nitong Linggo ay sinabi ng defence ministry ng North Korea, na ang mga drone na na-detect sa loob ng tatlong araw sa Pyongyang sa mga unang bahagi ng Oktubre, ay ang uri ng drone na kailangan ng isang special launcher o isang runway, at imposible na isang civilian group ang nagpakawala nito.
Ang NoKor at SoKor ay “technically at war” pa rin makaraang matapos ang kanilang giyera mula 1950-1953, dahil ito ay nahinto sa pamamagitan ng isang armistice at hindi ng isang peace treaty.
Ang mga cross-border link ay mga naiwan mula sa mga panahon ng ‘rapprochement’ sa pagitan ng dalawang bansa, kabilang ang isang summit noong 2018 sa pagitan ng mga pinuno, nang ideklara nilang wala nang digmaan at isang bagong panahon ng kapayapaan ang nagbukas.
Subalit ang North Korea ay muling nagpasok ng heavy weapons sa Demilitarized Zone border buffer at ibinalik ang guard posts, matapos ideklara ng dalawang panig ang isang kasunduang militar noong 2018 na naglalayong mabawasan ang mga tensyon na ngayon ay wala nang bisa.