DA, hinimok ng kamara na inspeksyunin din ang lahat ng poultry farm sa iba pang panig ng bansa
Hiniling ni Agri-Partylist Rep. Orestes Salon sa Department of Agriculture na inspeksyunin ang lahat ng poultry farm sa iba pang panig ng bansa kasunod ng outbreak ng avian influenza sa anim na farm sa San Luis, Pampanga.
Sa inihaing House Resolution 1189 ni Salon, binigyang diin ng kongresista na ang inspeksiyon sa iba pang farm ay dapat na isakatuparan ng DA sa lalong madaling panahon.
Ito ay dahil nababahala si Salon na baka may outbreak na rin sa ibang lugar pero kagaya sa San Luis ay hindi agad inireport ng mga may-ari ng farm.
Mismong si Agriculture Secretary Manny Pinol na ang nagsabi na Abril pa nagsimula ang outbreak ng avian influenza sa San Luis pero noong nakaraang linggo lamang ito naipagbigay alam sa kanya.
Nanawagan din ang kongresista sa Kamara na suriin kung sapat ang mga hakbang ng gobyerno para hindi na kumalat pa ang virus at higit sa lahat ay maprotektahan dito ang publiko.
Hindi rin aniya maaaring balewalain ang posibilidad na magkaroon ng human infection kaya kailangang gawin ang lahat ng pwedeng maisakatuparan para maiwasan ito.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo