DA: Kaso ng ASF sa bansa, bumaba na
Bumaba na ang kaso ng African Swine Fever sa bansa.
Sa pagtalakay ng Senado sa panukalang budget ng Department of Agriculture, sinabi ni Secretary William Dar na tatlong rehiyon na lamang ang nakapagtala ng kaso ng ASF.
Mas mababa na ito kumpara sa 12 rehiyon na nakapagtala ng outbreak noong 2020.
DA Sec. William Dar:
“In terms of provinces, 50 dati, ngayon, five provinces na lang. dati dati, nasa 624 cities, municipalities. as of this day, 20 municipalities or cities. in terms of barangay, ang datos dati nasa 3,283 barangays. ngayon nasa 83 barangays na lang. So nakikita natin yung pagbaba at sana maki-cooperate ang mga traders at ang karamihan, ang mga hog raisers na backyard, ngayon na nataas na ang indemnification. We are seeing kusang loob na ire-report na nila pero meron pa ring mga hindi nagre-report”.
Sa kabila nito, nananatiling mahal ang presyo ng lokal na karne ng baboy.
Katuwiran ni Dar, mayorya sa hog raisers ay ayaw pang bumalik sa pag-aalaga ng baboy dahil sa epekto ng ASF na itinulad nila sa Covid-19 at nananatiling kulang ang suplay.
Gayunman, tuloy aniya ang pagbibigay ng suporta ng gobyerno sa mga magbababoy.
Sa 2022 proposed national budget, naglaan ang DA ng apat na bilyong piso para sa mga hog farmer.
Malaking bahagi aniya ng pondo ay mapupunta sa mag-aalaga muli ng baboy habang ang ilang porsyento ay mapupunta naman sa bantay ASF.
Mahalaga aniya na bantayan ang pagpasok ng mga imported na karne na hinihinalang may ASF para hindi na maulit ang nangyaring outbreak.
Meanne Corvera