DA pinayuhan ang mga mangingisda at magsasaka sa pananalasa ng super typhoon Mawar
Nakahanda ang Department of Agriculture (DA) sa inaasahang pananalasa ng Super typhoon Mawar o tatawaging Betty sa sandaling pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR).
Inaasahang tutumbukin ng bagyo ang hilagang bahagi ng Luzon partikular ang Cagayan at Isabela.
Bago pumasok ang bagyo sa PAR, naglabas ng precautionary advisories ang DA para sa mga magsasaka at mangingisda.
Sinabi ni Agriculture deputy spokesman Assistant Secretary Rex Estoperez, nakikipag-ugnayan na ang DA sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Agency (PAGASA) at maging sa mga local government units (LGUs), gayundin sa mga field offices ng ahensya para sa regular bulletin kung tuluyang tumama sa bansa ang bagyo.
Dagdag pa ni Estoperez na handa ang DA na tulungan ang mga magsasaka at mangingisda na maapektuhan ng kalamidad.
Inihayag ng opisyal na kailangang anihin na ng mga magsasaka ang mga pananim na maaari nang anihin at gamitin ang mga post-harvest facilities, ilagay sa ligtas na lugar ang mga reserbang binhi, mga alagang hayop gayundin ang mga farm machineries at linisin ang mga daluyan ng tubig sa mga bukirin upang maiwasan ang mga pagbaha.
Sa panig naman ng mga mangingisda, pinayuhan ng DA ang mga ito na iwasang pumalaot habang papalapit ang bagyo, i-secure ang mga bangkang pangisda at i-harvest na rin ang mga isda sa mga palaisdaan maging sa mga fish cages upang pakinabangan.
Pinayuhan ng DA ang mga magsasaka at mangingisda na ugaliing mag-monitor sa advisories mula sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan upang mabawasan ang pinsalang idudulot ng bagyo.
Vic Somintac