DA umapela sa mga magsasaka na iwasan ang ispekulasyon na magkakaroon ng rice supply shortage
Umapela ang Department of Agriculture o DA sa samahan ng mga magsasaka sa bansa na iwasan ang speculation na magkakaroon ng rice supply shortage sa bansa ngayong taon.
Ginawa ni Agriculture Deputy Spokesman Assistant Secretary Rex Estoperez ang panawagan matapos ihayag ng grupong Samahan ng Industriyang Agrikultura o SINAG na pinamumunuan ni Ginoong Rosendo So na magkakaroon ng rice supply shortage dahil sa kabiguan umano ng DA na ipamahagi sa mga magsasaka ang farm inputs na kinabibilangan ng mga binhi at fertilizer.
Sinabi ni Estoperez na kapag nagkakaroon ng speculation sa rice supply sasamantalahin ito ng mga bumubuo ng kartel para kontrolin ang bigas na magdudulot ng pagtaas ng presyo.
Niliwanag ni Estoperez ang kasalukuyang presyo ng bigas sa bansa ay 38 pesos ang kada kilo ng regular milled rice, 42 pesos ang kada kilo ng well milled rice, 46 pesos ang kada kilo ng premium rice at 55 pesos ang presyo ng special rice.
Ayon kay Estoperez inaapura na ng Bureau of Plant Industry o BPI ang distribusyon ng fertilizer at binhi na ayuda ng DA sa mga magsasaka.
Inihayag ni Estoperez, tinataya ng DA na nasa 11.98 million metric tons ang local rice production sa bansa ngayong taon.
Vic Somintac