Daan-daan inilikas dahil sa pagbaha sa northern Australia
Sumilong sa bubong ng isang ospital ang mga na-stranded na residente, matapos bahain ang hilagang-silangang Australia sanhi upang hindi maraanan ang mga kalsada at makatakas ang mga buwaya at mapadpad sa mga bayan.
Sinabi ng pulisya na mahigit sa 300 katao ang inilikas ng rescue teams sa nakalipas na magdamag, habang nagdispatch naman ng helicopters ang militar upang tulungan ang mga lugar na binaha.
May naiulat ding pinsala sa kahabaan ng baybayin na umaabot sa halos 400 kilometro (250 milya) sa buong hilagang Queensland.
Ayon sa Queensland Treasurer na si Cameron Dick, ang mga pagbaha ay magkakaroon ng bilyong dolyar na epekto sa estado.
Siyam katao, kabilang ang isang pitong taong gulang na pasyente, ang sumilong magdamag sa bubungan ng isang ospital sa Aboriginal settlement ng Wujal Wujal.
Sinabi ni Kiley Hanslow, chief executive ng Wujal Wujal Aboriginal Shire Council, “We know that those people are in a desperate way now.”
Ayon sa pulisya, kalaunan ang grupo ay nakalipat din sa isang mas ligtas na lugar bago pa muling tumaas ang tubig-baha.
Napaliligiran ng bulubunduking hinterland ng tropical rainforest, ang Wujal Wujal na mahirap maabot ay isa sa mga pinaka-dehadong rehiyon sa Australia.
Sinabi ni Hanslow, “The town centre was a ‘sea of dirty water and mud,’ there’s also crocodiles swimming around in that water now.”
Ayon naman kay Queensland Police Commissioner Katarina Carroll, “Flood waters would likely wash ‘crocs and all sorts of other things’ into residential areas. You would recall from past events we’ve had sharks, crocs, you name it.”
Sa rural town ng Ingham ay gumamit ng lubid ang wildlife officers upang hulihin ang isang buwaya na nakitang lumalangoy sa isang mababaw na tubig na malapit sa mga bahay.
Ang estado ng Queensland ay hinampas ng mapaminsalang hangin at pag-ulan kasunod ng Tropical Cyclone Jasper, na nanalasa sa Coral Sea noong nakaraang linggo.
Ang Cairns na isang tourist hub ay halos lubusang napalibutan ng mga pagbaha, na umabot sa mga pangunahing lansangan ng lungsod na may 150,000 katao.
Sa labas naman ang Cairns, ay gumamit na ng lubid ang mga residente upang tangkaing sagipin ang kanilang mga alagang manok na tinangay ng agos.
Hinampas naman ng tubig-baha ang pakpak ng mga eroplanong nakahimpil sa Cairns international airport.
Sinabi ni Queensland Premier Steven Miles, “This level of rainfall is next level, We deployed literally every boat we could get our hands on in Cairns to evacuate those who couldn’t safely evacuate themselves.”
Aniya, nagsisimula nang mag-alala ang mga awtoridad tungkol sa suplay ng malinis na inuming tubig, kaya’t hinimok nito ang mga tao na hangga’t maaari ay magtipid.
Gumamit na ang Australian military ng dalawang heavy lifting Chinook helicopters upang magdala ng supplies at mga tauhan sa mga bayang apektado ng baha.
Ayon kay Carroll, nagpapasalamat pa rin ang mga awtoridad na walang namatay o nasaktan.