Dagdag buwis sa sugar sweetened beverages, haharangin ng ilang Senador
Nangako si Senate President Pro Tempore Ralph Recto, na haharangin ang panukalang dagdag buwis sa sugar sweetened beverages at sa mga pagkain may asin tulad ng junk foods at mga processed food.
Ikinatwrian ni Recto wala siyang alam na bansa na nagpapataw ng excise tax sa naturang mga pagkain o produkto.
Iginiit naman ni Senator Sherwin Gatchalian na dapat maging maingat sa pagsusulong ng dagdag na buwis upang matiyak na hindi ito magdudulot ng kawalan ng trabaho at negosyo.
Inihalimbawa ni Gatchalian ang excise tax sa sugar sweetned beverages na baka makaapekto sa mga magsasaka at negosyante sa sugar industry.
Wala pa rin aniyang kasiguraduhan na kapag tumaas ang buwis sa mga pagkaing may asukal at asin ay bababa ang may sakit na diabetes at hypertension.
Sabi naman ni Sen Chiz Escudero dapat muna nilang patunayan na ang nabanggit na mga panukala ay resonable at hindi anti poor.
Makabubuti din para kay Escudero na aminin na lang ng mga nagsusulong ng nabanggit na panukala ang hangad na madagdagan ang koleksyon ng pamahalaan at huwag ng palabasin na para ito sa kalusugan ng publiko.
Naniniwala si Escudero na ang pinakamahusay na paraan para mapigil ang pagkain ng publiko ng mga hindi healthy na produkto ay sa pamamagitan ng edukasyon at hindi sa pamamagitan ng pagpapataw ng dagdag na buwis..
Ulat ni: Mean Corvera