Dagdag na cost of living allowance para sa mga empleyado ng gobyerno isinusulong sa Senado
Posibleng maisalang na sa plenaryo sa pagbabalik ng sesyon sa Mayo ang panukalang magbibigay ng dagdag allowance sa mga empleyado ng gobyerno o Cost of Living Allowance o COLA.
Sa ilalim ng Senate Bill 286 o panukalang magbibigay ng dagdag allowance sa mga kawani ng pamahalaan tutugunan ng nasabing panukala ang hinaing ng mga kawani bunga ng pagtaas ng inflation rate at presyo ng petrolyo at iba pang pangunahing bilihin.
Naniniwala si Sen. Antonio Trillanes na ang dagdag na COLA ay makatutulong para matustusan ang mga pangunahing pangangailangan ng pamilya ng mga empleyado tulad ng tirahan, pagpapa-gamot at pagpapa-aral.
Sa ilalim ng panukala, ang lahat ng empleyado ng gobyerno ay makatatanggap ng dagdag na limang libong piso bukod ang iba pang allowance na kasalukuyan nang tinatamasa ng mga kawani ng pamahalaan.
Ulat ni: Mean Corvera