Dahil sa dami ng problema ng bayan …
Sa State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos ay binanggit nito na para makatulong sa paglago ng ekonomiya ang paningingil ng gobyerno ng value added tax.
Huwag na tayong magtaka dahil gaya ng sinasabi na natin noon pa man, ang tax o pagbubuwis ang lifeblood ng pamahalaan.
At ayon sa Saligang Batas, ang power of taxation ay isa sa katutubong kapangyarihan ng gobyerno.
Kailangang pasiglahin ang ekonomiya kaya nabanggit ni PBMM ang digital economy.
Aabot sa 11.7 B ang madaragdag sa kabang yaman ng pamahalaan sa 2023 kapag pinatawan na ng VAT ang mga digital service provider.
Isa rin sa dapat tutukan para anya umunlad at tumaas ang bilang ng mga may trabaho ay ang agricultural sector.
Nais ni PBBM na itaas ang produksyon ng pagkain para hindi magkaroon ng kakulangan sa suplay.
Binanggit niya ang pagbibigay ng pautang sa sektor ng agrikultura.
Kung inyo pong matatandaan, sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ang sektor ng agrikultura ang talagang tinutukan.
Inilunsad noon ang Masagana 99 na pinaigting sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga irigasyon sa iba-ibang lalawigan.
Isa rin ito sa mga gustong gawin ni Pangulong Bongbong, ang magpautang sa mga magsasaka.
“Yung mga kooperatiba na itinatag noon ay okay sana kaya lang napagsamantalahan.
Ang pondo na ipinauutang ng gobyerno sa mga kooperatiba ay hindi na naibabalik.
Okay sana ang kooperatiba, subalit kailangang mai-manage ng tama para makatulong sa mga kinauukulan lalo pa nga at may kinakaharap na krisis sa pagkain.
Plano din ni PBMM na ituloy ang inumpisahan ni dating pangulong Rodrigo Duterte na Build Build Build Program lalo pa ngat at palalakasin ang turismo ng bansa at malaki ang maitutulong ng pagsasaayos ng mga kalsada at paliparan.
Iniutos din ni PBBM sa Department of Social Welfare and Development o DSWD ang mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad at krisis.
Ang pagkakaloob ng ayuda.
Kaya nga inaayos ang listahan ng mga naka-enrol sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps .
Ang minana ng kasalukuyang administrasyon na bilang ng mga nakikinabang sa 4Ps ay 4.4 M, naging kaduda-duda ang listahan.
Kaya nga nagsiyasat ukol dito at nasa 1.3 M na nakalista ang dapat na umanong mag-graduate.
Gusto lang nating linawin na ang mga nakalista ay hindi panghabambuhay, sa halip may takdang panahon lamang .
Ilan lamang ito sa mga nabanggit ni PBBM sa kaniyang unang SONA, marami pa.
Ang sa atin lang naman, hayaan muna nating gumawa muna ang administrasyon at hindi makalipas lang ang ilang linggo o ilang buwan katakut-takot na reklamo at puna na, gusto naman ng iba may resulta agad .
Kung puwede lang, iwasan muna natin ang bumatikos, sa halip makipagtulungan muna tayo, maging positibo ang kaisipan .