Dahil sa kakulangan ng mga manggagawa sa UK, maraming pagkain ang nasasayang
Inihayag ng National Farmers’ Union (NFU), na higit £60 million ($72 million) halaga ng pagkain ang nasayang sa Britanya sa unang kalahati ng taon dahil sa kakulangan ng pickers.
Sinabi ni NFU Deputy President Tom Bradshaw, “It’s nothing short of a travesty that quality, nutritious food is being wasted at a time when families across the country are already struggling to make ends meet because of soaring living costs.”
Ayon sa isang union study ng mga magsasaka, 40 porsiyento ang nagreklamo na sila ay nakaranas ng pagkalugi dahil sa kakulangan ng mga picker, kung saan nasa £22 milyong halaga ng prutas at gulay ang nawala mula Enero hanggang Hunyo.
Sinabi ng mga tinanong na kailangang tumaas ang recruitment ng kahit 14 na porsiyento. Anila, 17 porsiyento ng mga picker ang nabigong pumasok sa trabaho habang siyam na porsiyento ay umalis bago pa man matapos ang kanilang kontrata.
May ambag ang Brexit sa kakulangan dahil mas pinahirap pa nito ang pagkuha ng mga manggagawa mula sa EU member states, sapagkat natapos na ang “freedom of movement” kasunod ng pag-alis ng Britanya sa EU.
Pansamantalang pinunan ng Ukrainians ang kakulangan, subalit mula nang salakayin ng Russia ang kanilang bansa noong Pebrero marami ang hindi na nakaalis.
Upang mapunan ang kakulangan, kinailangan ng Britanya na kumuha ng mga manggagawa mula sa malayong lugar gaya sa Indonesia, Pilipinas at Uzbekistan at maging sa South Africa.
Ngayong taon ay inawtorisahan ng Britanya ang nasa 38,000 visas para sa seasonal workers, ngunit ayon sa sektor kailangan nito ng halos doble ng nasabing bilang o malapit na sa 70,000.
Upang masolusyunan ang problema, nais ng NFU na mapalawak ang visa scheme at pahintulutan ang isang minimum five-year rolling scheme, at binigyang-diin na ang “horticultural growth” ay mahalaga sa National Food Strategy ng gobyerno.
@Agence France-Presse